Jake Zyrus, binudol umano ang mga pinoy sa Japan
Pinagpupunit at itinapon umano ng mga Pinoy na nanood sa show ni Jake Zyrus sa Japan ang kanilang ticket dahil sa labis na pagkadismaya sa singer.
Ito ang ikinuwento ng co-host ni Cristy Fermin na si Romel Chika sa episode ng kanilang YouTube show na “Showbiz Now Na!” noong nakaraang Biyernes, March 15.
Ayon kay Romel, nasa Japan si Jake para gumawa ng isang show sa isang bar doon.
Ang halaga raw ng ticket ng show ni Jake ay ¥8,000 o kung ico-convert sa Philippine peso ay nasa P3,200 kada isang tao.
Nasa 80 to 100 person naman daw ang pwedeng makapasok sa loob ng bar kung saan magpe-perform si Jake.
Habang ang bayad daw ng organizer kay Jake ay 25 na lapad o nasa P100,000.
Dahil kilala raw si Jake bilang si Charice Pempengco, kaya sobrang excited umano ng mga Pinoy na mapanood itong mag-perform.
Ani Romel, “Syempre ang ating mga kababayan na nakilala si Charice noon na ngayon ay si Jake Zyrus na atat mapanood si Jake Zyrus. Sabik kasi syempre, ‘Ay, ang galing niyang kumanta.’”
Kaya naman labis na lamang umano ang pagkadismaya ng mga Pinoy dahil isang kanta lang ang kinanta ni Jake at pagkatapos ay nagbenta na raw ito ng kanyang t-shirt merchandise.
Kwento ni Romel, “Noong ipinakilala, ‘di pa tapos, pumapasok na si Charice na kumakanta. From backstage, kumakanta na kaagad siya. Noong matapos na ‘yung isang kanta, naglabas itong si Charice ng [merchandise]. Pagkatapos niyang kumanta, nagbenta ng t-shirt…na nagkakahalaga ng ¥4,500 (mga P1,700).”
Patuloy ni Romel, “Konti lang ang bumili kasi wala pa nga siyang ginagawa. Isang kanta pa lang, huminto na. Nagbenta na…pa-picture-picture, kaway-kaway doon humaba ang tsika, picture-picture, benta-benta Hanggang ito na, lumalakad na siya at nagte-thank you-thank you.”
Kaya nagreklamo raw ang mga Pinoy dahil pakiramdam nila nabudol sila ni Jake dahil isa lang ang kinanta nito.
Ani Cristy, “Nagrereklamo syempre ang mga Pinoy.”
Patuloy naman ni Romel, “Sinabi mo pa! Kasi budol is real. Isang kanta lang ang nakanta niya.”
Pinakiusapan naman daw ng organizer si Jake na kumanta pa ng ilang songs.
Pero ayaw na raw ni Jake kaya naman sa huli, pinagpupunit at itinapon ng mga Pinoy na nanood ang kanilang ticket dahil sa pagkadismaya.
Ani Romel, “Ayaw na daw ni Charice… Syempre, na-disappoint ang ating mga kababayan. Ang mga ticket nila, ipinagtatapon nila doon….”
“Nakita ko ‘yung picture, pinunit-punit, itinapon,” kwento naman ni Cristy.
“Disappointed talaga sila,” dagdag ni Romel.
Samantala, bukod sa umano’y ‘pambubudol’, isiniwalat ni Romel na pinagbawalan din umano ni Jake ang mga Pinoy na nanood na banggitin ang kanyang dating pangalan na “Charice”.
Ani Romel, “At ito pa may pahabol pa, bago lumabas si Charice, papasok sila sa venue, lahat ng papasok ang pakiusap daw bawal daw banggitin ang pangalang ‘Charice’. Huwag sisigaw ng ‘Charice’ kundi ‘Jake’.”
Dahil sa sobrang inis, nasabi na lang daw ng mga Pinoy na sana sumigaw sila ng “Charice” para makaganti man lang sa pambubudol sa kanila ni Jake.
Ani Romel, “‘Yun na nga ang sinabi ng nakapanood, kung alam lang nila dapat sinigaw na lang nila yun, nakaganti man lang daw sila.”
As of now, wala pa namang pahayag ang kampo ni Jake hinggil sa isyung ito.